Pagbati…

Sadyang napakahalaga ng araw na ito hindi lamang sa pamantasan ng  Eastern Visayas State University kundi sa iba pang mga kolehiyo o unibersidad dahil ngayon ang umpisa ng tinatawag nating “academic year” at ngayon rin natin sisimulan ang selebrasyon sa Buwan ng Wika. Kaya naman sa mga pinipitagang naggagandahan at matitipunong mga guro at estudyante, gayundin ang ating minamahal na mga “non-teaching personnel” malugod ko kayong binabati sa umagang ito para sa magandang simula sa pagbubukas ng School Year 2018-2019.

Bigyan natin ng isang masigabong palakpakan ang ating mga mag-aaral na siyang tagapangalaga at tagapagtanggol ng ating bansa sa hinaharap. Sila na tunay na hiyas ng ating kasarinlan at kayamanan ng bayan.  Ika nga ni Gat Jose Rizal, sa mga kamay ng kabataan nakasalalay ang kinabukasan ng ating bayan.

Sa ating mga mag-aaral hayaan niyo akong magbigay ng konting paalala. Simbolo ito ng aking maarugang pagkalinga sa aking mga nasasakupan. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ito — ang pagkakataong makatungtong ng kolehiyo dahil marami pa rin sa ating mga kababayan ang napagkaitan ng pagkakataong ito. Kaya naman sa inyong lahat, kayo na naririto sa Eastern Visayas State University, ay dapat na pagtuonan ng maigi ang pag-aaral, hindi maging bulakbol at lalong hindi maging pasaway sa paaralang ito. Huwag sayangin ang tulong ng gobyerno.

Batid naman nating lahat na libre na ang tuition at iba pang bayarin na saklaw ng batas RA 10931 at mga panuntunan nito. Napakalaking tulong po ito sa mga magulang at sa pamilya. Ganun pa man, dahil sa ang EVSU ay isang institusyon sa ilalim ng pangangasiwa at alokasyon ng pamahalaan hindi natin maikakaila na ang ating mga pasilidad at kagamitan ay hindi sing ganda at gara ng mga makikita sa kamaynilaan. Dahil sa ating pagsisikap na mapayabong at mapaunlad pa kung ano ang meron tayo, makikita ninyo ang mga “on-going infrastructure projects’’ natin.  Konting hakbang na lamang at maabot din natin ang tugatog ng tagumpay. Makakamtan din natin ang mas mataas na pag-usbong ng unibersidad na ito. Sa ngayon, kailangan namin ang inyong pang-unawa. Matuto tayong magpahalaga sa ano mang bagay, kagamitan, mga pasilidad,   panuntunan at lalong-lalo na sa mga guro at opisyales at sa lahat ng ating mga kawani.  Igalang natin ang ating kapwa.  Okay po ba tayo diyan, mga mahal kong estudyante? Pwede ba yon?  (salamat naman kung ganun)

Gaya ng nabanggit ko kanina, idinaraos din natin sa araw na ito ang pambungad para sa “Buwan ng Wika”.  Sariwain natin ang kagitingan ng ating mga bayani at ang kanilang mga ambag sa lipunang ito at sa iba’t ibang larangan. Masarap magbalik tanaw sa mga bagay-bagay na may kaugnayan sa ating pagkaPilipino at sa ating mahal na Wikang Pambansa.

Sa taong ito, ang pagdiriwang sa Buwan ng Wika ay nakatuon sa temang “Filipino: Wika ng Saliksik”.  Sa tema makikita natin ang kahalagahan ng pananaliksik  gamit ang wikang nakatatak na  sa dugo ng bawat Pilipino.   Sa mga panahong ito na binago na ng teknolohiya, malaki ang tulong ng mga pananaliksik. Sa paggulong ng mga taon kaakibat din ang mga inobasyon at makabagong pamamaraan. Hindi maikukubli ang  halaga ng mga “survey” o ano pa mang paraan ng pananaliksik sa pagbibigay ng mga impormasyon sa kinauukulan o sa pamayanan, bagkus naging salik na ng lipunan ang saliksik na isa sa mga batayan ng malagong ekonomiya at daan tungo sa kaunlaran.

Lingid sa ating kaalaman, ang saliksik din ang pinakaimportanteng aspeto ng ating pag-sibol. Dito dapat nakasalalay ang ating kalakaran, na dapat ay maging bahagi din ng ating kultura, nang sa gayon ay maging pang-araw-araw na gawain ang pananaliksik at paggawa ng saliksik. Tayong lahat dito sa pamantasang ito ay may pananagutan sa ating estado. Ang kasalukuyan ay bunga ng ating kahapon—- suriin natin ang kulang at doo’y punan at huwaig punain ang kakulangan ng iba bagkus maging bahagi tayo sa mga solusyon.

Mariin kong ipinababatid sa ating Research and Extension Office na paigtingin ang mga gawain para lalong umusbong ang lebel at kalidad ng ating saliksik at mga mananaliksik. Sa mga guro, gumawa tayo ng paraan para dumami ang ating mga saliksik, pati na rin sa ating mga mag-aaral. Hinihikayat ko ang ating mga mag-aaral na makibahagi nang mahusay at gawing bukal sa loob ang ano mang gawain na ipintutupad o idinadaos ng mga kolehiyo at departamento nang lalo pang malinang ang inyong mga talento at iba’t ibang kalinangan.

Sa puntong ito, ako at ang ating mga opisyales ay nagpapasalamat sa poong Maykapal sa patuloy na biyaya at patnubay sa kabila ng ating mga kahinaan. Sa tibay ng ating pagkakaisa, malasakit at pagsusumikap na matamo ang ating mga adhikain tiyak na magandang bukas para sa Eastern Visayas State University ating mapapala. Ang pinto ng aking opisina ay bukas sa inyong mga sangguni at katanungan na siyang daan sa pagpapatibay ng ating mga alituntunin at patakaran.

Maraming salamat po at Mabuhay tayong  lahat!

DOMINADOR O. AGUIRRE, JR.
University President